1M Tree Project, Papaigtingin Kada Bayan

White Beach, Puerto Galera – Muling nagkita kita ang mga kasapi ng Lupong Tagapag-Ugnay ng Samahan ng mga Mindorenyo para sa Bayan at Kalikasan (SAMBAYANAN) upang mas pagtibayin ang isa sa kanilang pangunahing proyekto.

Ika 28 ng Hulyo ng muling magsama-sama ang mga opisyales ng samahan upang mas pinuhin pa ang detalye ng kanilang malawakang programang 1M Trees Project at uumpisahan na ring ikasa sa bawat bayan ng lalawigan.

Ito ay matapos na mag-umpisa nang manawagan nitong Pebrero taong kasalukuyan ang grupo sa lahat ng mga konsernadong mga mamamayan at grupo sa buong Isla ng Mindoro ng pakikiisa sa nasabing proyekto.

Matatandaang rin na kamakailan lamang ay nakapagsimula nang makapagtanim ng mga punla ang grupo sa Bayan ng Baco at Naujan. Ang nasabing proyekto ay naglalayong makapagtanim ang rgupo ng isang milyong puno sa buong Isla ng Mindoro sa loob ng dalawang taon.

Naging panauhin sa naturang pagpupulong si Binibining Evelyn Cacha at Jeff Rafa ng Alyansa Laban sa Mina (ALAMIN) na nakikiisa sa malawakang proyekto na ito para sa kalikasan.

Nagpapasalamat naman ang SAMBAYANAN grupong ALAMIN at sa lahat ng mga tumutugon. Ang mga ito anila ay napakagandang kaganapan hindi lamang sa usapin ng tulong ng iba pang mga indibidwal at grupo sa proyekto kundi sa mga positibong pagtanggap ng mga mamamayan ng Mindoro sa malawakang pagtatanim ng mga puno.

“Makikita natin na bukod sa SAMBAYANAN, marami pang mga samahan ang sila na mismong nagkukusa na magtanim ng puno, ,” ayon kay Billy Agleron, tagapagsalita ng grupo.

Dahil may natitira na lamang na 7% forest cover ang kabundukan ng Mindodo, inaasahan ng samahan na ang naturang proyekto ay makakatulong ng malaki upang maipanumbalik ang sigla nito.

Dahil sa lumalalang krisis sa kalikasan, muli namang nananawagan ang grupo sa lahat na mas paibayuhin pa ang mga pagkilos upang mas maprotektahan pa ang ating isla.

“Mas maraming pagkilos mula sa mga mamamayan, mas mainam para sa kalikasan,” dagdag pa ni Agleron.

Leave a Reply