
Bunga ng patuloy na pangangalampag ng mga mamamayan ng Gloria laban sa mapanirang quarrying na nagpapatuloy sa kanilang bayan, napilitan nang makipag pulong ang kumpanyang inirereklamo sa mga mamamayang kontra rito.
Ika-19 ng Hulyo ng magharap ang kumpanyang Premium Megastructures, Inc. (PMI) at mga representante ng Malamig Concerned Citizens (MCC), kasama ang Samahan ng mga Mindorenyo para sa Bayan at Kalikasan (SAMBAYANAN) sa tanggapan ni Oriental Mindoro Governor Bonz Dolor.
Matatandaang matagal nang iniirereklamo ng mga residente ang patuloy na pago-operate ng PMI sa nasabing bayan dahil masamang epekto nito kanilang kalikasan at pamumuhay.
Ang PMI ay may quarry at crushing plant sa Brgy. Malamig sa bayan ng Gloria at ang mga bato at buhangin ay iniluluwas ng mga ito palabas ng isla. Ito ang syang itinuturong dahilan ng pagkatuyo ng sapa at pagkasira ng ilog sa nasabing lugar.
Kinasuhan din ng kumpanyang PMI kamakailan ng cyberlibel ang dalawa sa lider ng nasabing grupo na malinaw naman sa sikat ng araw na isang uri ng harassment.
Ayon kay Ginang Emy Solas ng Malamig Concerned Citizens, pumapayag silang makipag-kasundo sa nasabing kumpanya upang maipakita sa mga mamamayan na hindi sila kontra sa kaunlaran, basta’t ang mga ito ay nasa proseso at hindi makakasira sa kalikasan.
Subalit may malinaw silang kondisyon na sinang-ayunan naman ng kumpanyang PMI.
Sa harap ni Governor Bonz Dolor, napagkasunduan ang 6 na puntos:
1. Cash Bond- Magkakaroon ng Cash Bond na syang gagamitin ng kumpanya para sa mga apektadong mamamayan sa Malamig, Gloria kabilang na rito ang pagbabayad sa mga pagkasira ng kabuhayan ng mga taga rito.
2. Magpapagawa ng dike sa ilog ng Malamig upang maibsan ang pagkain ng ilog sa lupain.
3. Pagpapagawa muli ng mga creek na nasira dahil sa operasyon ng mga nakaraang taon.
4. Iibahin ang daanan ng malalaking truck sa daanan ng tao para sa kaligtasan ng bawat mamamayan.
5. Ang site ng PMI ay magiging bukas sa inspection ng gobyerno at taumbayan. Ito ay upang maiwasan ang mga pagdududa at muni-muni.
6. Ang ibang napagusapan ay ipapaalam sa mga mamamayan ng Malamig, Gloria.
Ayon naman sa SAMBAYANAN ito ay maituturing na isang taktikal na panalo para sa mga makakalikasang mamamayan ng Gloria. Kung sila umano ang masusunod, mas gugustuhin nilang palayasin ang lahat ng kumpanyang nakakaapekto sa kalikasan ng Mindoro.
“Isang hakbang paurong, dalawang hakbang pasulong,” ang tanging dagdag ni Ross Delgado, tagapangulo ng SAMBAYANAN.
Napagkaisahan din na magtatatag ng isang Monitoring Team na bubuoin ng mga representante ng Malamig Concerned Citizens (MMC), Sambayanan at PMI na syang manenegurong hindi na muli pang masisira ang kalikasang yaman ng nasabing lugar.