
Bilang pakikiisa sa 1M Tree Project ng koalisyong Samahan ng mga Mindorenyo para sa Bayan at Kalikasan (SAMBAYANAN), nagsama sama ang mga organisadong grupo sa bayan ng Puerto Galera upang pangunahan ang pagtatanim sa mga naitalagang nursery para sa mga Vetiver Grass.
Sa pakikipagtulungan ng mga grupong Kalingang Pambayan, Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI-PG) Puerto Galera, Puerto Galera PNP-Tourist Police, kasama ang mga kawani ng kumpanyang PHESI at mga mag-aaral ng Puerto Galera National High School, sama-samang isinaayos ng mga ito sa mga nagsilbing mga nursery sites sa La Brisa Properties at duon sama-samang itinanim ang nasabing mga punla.
Ang aktibidades ay umabot ng dalawang araw na nagsimula nuong ika 25 hanggang ika 26 ng Oktubre.
Ang vetiver grass ay mas kilala sa buong mundo dahil sa mabisa nitong mga katangian. Bukod sa nililinis nito ang mga toxic chemicals na nasa lupa, mainam din itong itanim sa mga lugar kung saan madalas o may panganib ng landslides dahil pinipigil nito ang pagguho ng lupa.
Magiging kapaki-pakinabang din itong suplemento sa programang 1 Million Tree Project dahil lubos itong mabisa dahil bukod sa mas pinapabilis nito ang pagyabong ng mga pananim ay mas pinapasagana rin nito ang mga lupa na pagtataniman ng mga gulay at punungkahoy.
Maaari rin itong itanim sa mga lugar kung saan madalas ang mga pagguho ng lupa, na sya ring planong itanim ng grupo sa mga lugar na kailangan ito upang mabawasan ang mga sakuna.
Lubos naman ang pasasalamat ni Eleanor Evangelista sa napaka init na pakikiisa hindi lamang ng lokal na pamahalaan ng Puerto Galera gayundin sa iba pang mga grupo na patuloy ang suporta sa 1M Tree Project ng SAMBAYANAN.
“Nakakatuwa at hindi namin akalaing napakarami palang nais tumulong sa ating programa. Inaasahan naming magtutuloy-tuloy ito sa Puerto,” dagdag ni Tita Eleanor.
Umaabot naman sa 1,000 punla ang naitanim sa nasabing aktibidades at mayroong mahigit na 2,000 punla naman ang nakahandang ipamahagi sa iba pang mga bayan na nakahanda na ring maglunsad ng pagtatanim bilang bahagi pa rin ng 1 Million Tree Project ng SAMBAYANAN.