
Brgy. San Cristobal, Victoria. – Sa kabila ng balitang pumutok sa social media hinggil sa mga mamamayang kusang nagsilikas mula sa kanilang mga tahanan bunsod ng ilang araw na sagupaan ng mga tropang militar at rebeldeng NPA, agad na nagtungo ang grupo ng SAMBAYANAN sa isa sa mga nagsisilbing evacuation center ng mga naturang bakwits.
Ayon sa paunang report na nakalap ng grupo, may mga evacuees sa mga barangay ng San Antonio, Loyal, Villa Cerveza, at San Cristobal. Ayon naman sa post ng isang concerned citizen, marami sa kanila ang hindi pa nakakakain dahil hindi pa sila aniya makabalik sa kanilang mga tahanan sa takot na madamay sa kaguluhan.
Agad namang ikinasa ng grupo ang mabilisang relief operation sa isa sa mga evacuation center sa Victoria sa pangunguna nina Jayne Watiwat at Billy Agleron kasama sina Ruby Garing, Cely Araja at Mely Malabanan.
Kaninang umaga ika 4 ng Hulyo, nagtungo ang grupo sa San Cristobal Court, Brgy. San Cristobal, Victoria kung saan may mahigit sa 100 mga indibidwal ang kasalukuyang nagkakanlong.
Namahagi naman ang grupo ng panandaliang mga relief items gaya ng bigas, de lata, at iba pa, habang kinukumusta ang kanilang kalagayan. Umaasa ang lahat na matatapos na ang kaguluhan at muli na silang makakabalik sa kanilang iniwang mga tahanan.
Nagpapasalamat naman ang SAMBAYAN kina Brgy. Kap. Elvessa Leus, at kay Kon. Henry Perilla sa paghahatid sa amin sa naturang lugar.
Nananawagan din ang grupo sa magkabilang panig: Isulong ang Usaping Pang Kapayapaan upang maiwasan na ang mga labanan kung saan ang mga inosenteng mga sibilyan ang naiipit sa banggan.