Mga Taga Gloria, Nakiisa sa 1 Million Tree Project

Nagsimula na ring magtanim ang mga taga bayan ng Gloria bilang pakikiisa sa 1 Milion Tree Project ng Samahan ng mga MIndorenyo para sa Bayan at Kalikasan o SAMBAYANAN.

Ginanap ang paunang pagtatanim at pagtatayo ng mga nursery nitong nakaraang Sabado ika-21 ng Septyembre sa Barangay Malamig sa nasabing bayan.

Ang nasabing pagkilos ay pinangunahan ng mga myembro ng Malamig Concerned Citizens na aktibo ngayon sa bayan ng Gloria sa usapin ng pangangalaga ng kalikasan sa nasabing bayan kasama ang grupo ng Batang Naujan at SAMBAYANAN.

Nagpapasalamat naman ang MCC sa lahat ng nakiiisa at nagbigay ng oras gayundin sa mga nagbigay ng mga punla ginamit sa pagtatanim lalo na sa Catholic Women’s League.

Umabot sa halos 10,000 na halo-halong santol, bignay, acacia, at iba pa ang naitanim ng nasabing grupo. Inaasahang masusundan pa ito upang mas mapaigting pa ang nasabing proyekto.

Ayon kay Jhie Dimapilis ng Malamig Concerned Citizens (MCC), ito ay isang patunay na hindi lamang sila batikos, bagkus ay pagpapakita ito na sinsero ang kanilang grupo upang mapangalagaan ang kalikasan ng bayan ng Gloria.

Natutuwa naman ang grupong SAMBAYANAN sa positibong pagtanggap ng mga Mindorenyo sa proyekto.

“Makikita natin na kabi kabila ang mga treeplanting activities, at nagpapsalamat kami rito,” ani Billy Agleron, tagapagsalita ng grupo.

Idinagdag pa nya na kailangang maipagpatuloy ito hanggang maipanumbalik natin ang sigla ng ating mga kabundukan na may natitira na lamang na 7% forest cover.

Muli namang inaanyayahan ng SAMBAYANAN ang lahat ng mga konsernadong mga indibidwal at samahan na patuloy na makiisa sa panawagang pagtatanim sa kabila ng umiiral na climate emergency.

Sa mga nais naman na makiisa, mangyaring makipag-ugnayan sa kanila sa
pamamagitan ng kanilang website na www.sambayanan.org o sa kanilang Facebook page.

Leave a Reply