1 Million Trees Project, Umarangkada Na!

Baco, Oriental Mindoro – Pinasinayaan na ang isa sa apat na pangunahing proyekto ng koalisyong SAMBAYANAN sa isinagawang pagpupulong sa Café De Baco sa bayan ng Baco.

Ang pagpupulong ay isinagawa ng Reforestation Committee ng nasabing samahan sa pangunguna nina Mar Bautista ng Concerned Citizens on Organic Promotion and Empowerment (COPE) at ni Bb. Neri Fontanilla ng Samahang Pangkabuhayan ng Iligan (SPI).

Ang nasabing pulong ay dinaluhan din ng alkalde ng Bayan ng Baco na si Mayor Reynaldo Marco na nagbigay ng suporta sa nasabing proyekto. Umabot din ng 60 katao na pawang mga kasapi ng mga organisasyong nakapaloob sa koalisyon ang dumalo.

Bago pa ang naturang pulong, nag-umpisa ng manawagan ang koalisyon sa kanilang mga taga-suporta na mag-ipon ng mga seedlings ng mga fruit-bearing trees upang maumpisahan na itong maipamahagi sa mga katutubo ng libre. Mabilis naman ang tugon ng ilan nating mga kababayan na nagdala ng mga butong pananim kasama na rito ang Department of Agriculture Mimaropa na nagpadala ng maraming mga buto ng mga gulay.

Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Ding Landicho ng Laban ng Naujan Para sa Kalikasan (LNPK) na kasapi rin ng koalisyon sa mga kaduda-dudang kilos ng mga nasa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na aniya ay hindi nagsisilbi sa kapakanan ng mga katutubong Mangyan.

Malinaw aniya ang pagmamaniobra ng nasabing ahensya sa mga katutubong Mangyan sa kanilang ginagawa sa usapin ng Sta.Clara Hydrodam Project at nitong huli ay sa usapin ng Mindoro Nickel Mining Project.

“Sa halip na ang komisyon ay pinagsisilbihan ang interes at kapakanan ng mga Mangyan, ang mga ito ay kinakasangkapan ng mga kapitalista upang pagsamantalahan ang mga kapatid nating katutubo,” aniya.

Matapos ang nasabing pulong ay nakatakda namang umakyat ng kabundukan ng nasabing bayan ng Baco ang grupo upang madala na ang iba pang mga buto sa atng mga kapatid na katutubo upang maitanim.

Matatandaang nuong Pebrero 24, 2019 sa kanilang kauna-unahang General Assembly ay inihayag ng koalisyong SAMBAYANAN ang apat na pangunahing proyekto na agaran nilang isasagawa: ang pagtatanim ng 1 Milyong Puno sa dalawang taon, ang pagsusulong ng Organic Farming sa Isla ng Mindoro, ang pagsusulong na magkaroon ng batas na magbabawal sa mga single-use plastics, at ang pag-oorganisa ng isang malinaw na Flood Summit.

Related Posts

Leave a Reply

Banta sa Kalikasan

Umugnay