Ang Simula

Lingid sa kaalaman ng nakararami, ang SAMBAYANAN ay hindi ipinanganak sa iisang magdamag.

Pebrero taong 2017, sa ginanap na malawakang pagkilos sa Calapan bilang suporta sa noon ay kalihim ng DENR Gina Lopez, magkakasama na ang grupong Batang Naujan, Laban ng Naujan para sa Kalikasan, at ang Baco Group na pinanungunahan ni Mar Bautista.

Bitbit ang ng tatlong grupo ang slogan na “May Apat Kami” na naglalahad ng apat na puntos at panawagan: No To Mining in Mindoro, No To Montelago Project, No To Sta. Clara Hydrodam, Confirm Sec. Gina. Ang naturang slogan ay isa ring pasaring sa mga organisador ng naturang pagkilos na nagsabing Apat lamang ang myembro ng Batang Naujan.

Sa naturang pagkilos, malinaw na ang ating pwersa ang pinakamalapad. Subalit dahil hindi tayo kasali sa organizing committee, at sa kadahilanang ating kinuweston ang kamalian at ang hindi pagsasapubliko ng ayudang pinansyal na nagkakahalagang 5 Milyon mula sa Sta. Clara Corporation patungo sa isang partikular na grupo, ang ating delegasyon ay iwinalang bahala.

Sa mga pangyayaring ito, umusbong ang isang ideya: Ang magkaroon ng nag-iiisang boses at nag-iisang direksyon ang lahat ng mga organisadong grupo sa buong Isla ng Mindoro na SINSERO sa pangangalaga at pagtatangggol ng kalikasan at kapakanan ng mga mamamayan.

Disyembre 2017, sa ikalawang taon ng anibersaryo ng Batang Naujan, dumalo ang ilang mga lider na bubuo ng ngayon ay SAMBAYANAN. Matapos ang unang pulong ng ilang piling lider, nag umpisa na makipag pulong sa iba pang mga samahan.

Mayo 2018, may naitala nang mga convenor groups na umaabot sa 19 organisasyon at nagdraft na din ng Vision, Mission, Goals ang core group habang isinasaayos ang iba pang mga detalyeng pang-organisasyon kasama na rin ang pagdaraos ng isang Convenors Assembly.

Subalit matapos ang malawakang pagbaha nuong Disyembre 30, 2018, nagkaisa ang mga convenors na ang ito na ang tamang oras. Kung kaya Enero 2, tayo ay nanawagan ng pagkakaisa sa lahat ng hanay at sa pulong na ginanap sa Calapan nuong Enero 5, mahigit 35 na organisasyon ang tumugon upang magsama-sama at magpulong-pulong para sa pagbubuo ng SAMBAYANAN. Sa naganap na pulong, nagkaisa ang mayorya na bumuo ng core group at secretariat upang mangasiwa ng kauna-unahang General Assembly.

As they say, the rest is history. Mula sa hanay ng iba’t ibang mga organisasyon, iba’t ibang mga batayang sektor, mula sa iba’t ibang mga bayan, nagkakaisa sa iisang mithiin.. ang Ipagtanggol ang Kalikasan.

Sa maksaysayang araw na ito, Pebrero 24 taong 2019, isisilang ang SAMBAYANAN.

Related Posts

Leave a Reply

Banta sa Kalikasan

Umugnay